Friday, August 15, 2008

Saan nga ba ako patungo?


Hawak hawak ang dalawang piraso ng Nestle Safari na binili ko sa 7/11, nagsimula kong lakarin ang kahabaan ng McArthur Hiway simula Balibago hanggang Dau. Walang gaanong kahulugan, bagkus ay isa lamang napag diskitahang gawin pagkatapos kumain ng arrozcaldo sa paboritong kong karinderya sa may kanto ng Mountain View. Mayroon akong hinahanap habang ginagalugad ang kahabaan ng kalsadang nag uugnay halos kalahati ng Luzon, na nagsimula sa bantayog ni Andres Bonifacio sa Kalookan, hanggang marahil sa Aparri ang pinaka dulo nito.


Apat na kilometrong lakaran sa isang lugar na hindi ko kinalakihan ngunit pilit na pinakikisamahan upang mabuhay ng mapayapa at matahimik. Ganito na yata ang kapalaran ko. Isang mahabang paglalakbay. Isang walang katapusang paglalakad, tungo sa kinabukasang wala pa ring malinaw na patutunguhan. Sa gabing iyon, siguradong alam ko ang aking pupuntahan, ngunit sa realidad ng buhay, ito’y maihahantulad sa isang madilim na kanto na walang
kasiguruhan kung magkakaroon ng liwanag ang nagsisilbi nitong ilaw sa posteng nakatayo sa paligid.

Naalala ko tuloy yung naging paksa noong ako’y nakisali sa isang pagtitipon ng aking mga bagong nakilalang kaibigan:

"Ang pinakamadilim na oras sa magdamag ay yung kapag malapit ng magbukang liwayway"


Marahil ito'y isang aral na matutunan na magpapatungkol sa magiging kapalaran ng aking paglalakbay.

Marahil sa madilim na lugar na aking tatahakin, isang maliwanag na patutunguhan ang kahahantungan...







No comments:

Post a Comment