Showing posts with label rosario. Show all posts
Showing posts with label rosario. Show all posts

Sunday, April 20, 2008

Rosario



14 Abril, 2008

 

Hindi ko makita ang rosaryo ko.  Isa sa importanteng bagay na lagi kong bitbit.  Hindi ko eksaktong matandaan kung kelan nag-umpisa akong magbitbit ng rosaryo, pero alam ko na ito’y nakaugalian na ng karamihan sa aking ka-batch sa eskwela nung high school.   Naging palatandaan ang paglalagay ng rosaryo sa bulsa ng pantalon, isang simbolo ng pagpapatunay na kami’y hindi nakakalimutan ng may-Likha, at pagpapa-alala na napakadali lamang syang tawagan.

 

Hindi ko makita ang rosaryo ko.  Kahit hindi ko kabisado ang pagro-rosaryo, halos alam ko ang lahat ng lintanya ng mga dasal dun.  Sa wikang Ingles ha.  Sa apat na taon kong itinigil sa Catholic School, imposible naman sigurong hindi ko matandaan ang mga dasal, pati nga ang misa sa Ingles nakakasunod pa ako.  Makakalimutan man minsan ang pagsambit ng rosaryo, may libreta naman ako sa wallet na kaagapay upang hindi magkamali sa pamamaraan ng pagdarasal.  Pero kadalasan maigsing bersyon ng pagro-rosaryo ang ginagawa, yung deretsong dasal - Apostle’s Creed, Lord’s Prayer, Hail Mary, Glory Be, Fatima Ejaculation, Hail Holy Queen, na walang kasamang anunsiyo ng mga misteryo – basta dasal lang hanggang makatapos.

 

Hindi ko makita ang rosaryo ko.  Ang rosaryong binili ko pa sa Alumni Office sa aming eskwelahan, sa umpisa dahil gusto ko ng isang bagay na magbibigay ng swerte sa akin ngunit sa itinagal ng panahon ay naging bahagi ng buhay ko, lalo na kapag dumarating ang mga pinaka mahirap na problemang ibinabato sa akin ni Hesus.  Siguro pinapa-alalahanan ako ng hindi lang dekorasyon ang rosaryo ko sa bulsa ng maong.  Ito ang magsisilbing pantawag ko sa Kanya, hindi na kelangan ng credits, hindi na kelangan ng baryang panghulog, hindi na kelangan humingi pa ng load kanino man para lang masabihan Siya.

 

Hindi ko makita ang rosaryo ko.  Ang rosaryong pinagpalit ko rin ng rosaryo sa isang kaibigan nung ako’y nasa Mapua pa.  Summer classes noon, kaklase ko si Marlei sa kursong arkitektura at katabi ko sa lamesa habang nagkukulay ng aming proyekto.  Hindi ko matandaan kung papano nya nakita ang rosaryo ko, siguro bumubunot ako ng barya sa bulsa, sumabit at sumama na lang bigla.  Dumudukot yata ako ng barya noon pambili ng pagkain, limang oras ang klase naming maluwag naman ang maestro dahil nga sa haba ng oras at init ng panahon ay napilitan na ring pumayag na bumili kami ng makakain.

 

“Uy, rosaryo yan ah. Meron din ako nyan!”, sambit ni Marlei.

“Lucky charm ko.”, sagot ko naman, sabay sunod na itinanong, “Talaga? Catholic School ka rin siguro nag-hayskul no?”.

“Oo. Sta. Catalina.”,  ang sagot ni Marlei sabay tanong din, “Alam mo yun?”.

“Malapit yan sa may Arellano Legarda, tama ba? Sa Don Bosco Manda ako, alam mo yun?”, ang tanging naisagot ko.

“Oo, alam ko yun, taga Mandaluyong din ako, sa may Nuwebe de Pebrero, malapit sa Welfareville.  Gusto mo palit tayo ng rosaryo?”, biglang sabi niya na siyang ikinagulat ko.

 

Isang maghapong kwentuhan ang nagpatuloy na nauwi sa pagpapalit ng rosaryo.  Ang sa akin ay napunta sa kanya, at ung rosaryo nya ang napunta sakin.  At hindi ordinaryong rosaryo yung nakuha ko.  Sabi nya galing daw Lourdes, France at luminous, sa madaling salita, umiilaw sa dilim kapag ito’y nasinagan at nakapag-ipon ng karampatang liwanag.  Ano lang naman ung sakin, gawa sa plastic pero hindi Tupperware, pero nakipagpalit pa rin si Marlei, hindi ba siya lugi nun? Sa totoo lang kras ko na siya simula nun, pero nananatili pa rin kaming magkaibigan hanggang sa kasalukuyan.  Ang ganda kaya nya, finalist sya sa She’s Got The Looks ng Eat Bulaga(1993 yata yun), at may boypren na gwapo na kabarkadahan din naming magkaka-batch sa “Arki-Torture”.

 

Hindi ko makita ang rosaryo ko.  Ang rosaryong swap kay Marlei na hanggang ngayon ay bitbit-bitbit ko pa rin kung saan man ako sumuong na landas, kung anumang gusot ang nilusutan, kung anumang problemang sa likod ay pinasan.  Ang alam ko naiwan ko lang sya sa bulsa ng pantalon, marahil sa sobrang pagod ay nakalimutan tanggalin, baka nalabhan ni Manang Rose at hindi napansin.  Baka sumama sa sa naitapong tubig at inanod na sa kanal at tinangay ng agos papunta sa anumang maruming sapa o ilog na kalalagyan.

 

Hindi ko makita ang rosaryo ko, pero hahanapin ko pa rin sya.  Alam kong andyan lang yan sa tabi-tabi, marahil nakaipit sa mga damit sa mga sisidlan o kasama ng mga importanteng bagay na matagal ko nang itinatago sa mga kahon.  Hindi sya mawawala sa buhay ko, nararamdaman ko andyan lang ang rosaryo ko.  Katulad ni Hesus, hindi ko man nakikita, ngunit alam kong palagi Siyang andyan para sa akin.