Thursday, November 5, 2009

A Day (or Two) in the Life of a Newly-Registered Voter


Maaga akong gumising at nag-gayak.  Kung tutuusin, hindi naman masyadong importante ang araw para paghandaan.  Ang naka-ugalian na alas sais na pagtayo upang buksan ang water heater, ang jetmatic, at patayin ang ilaw sa bodega ay mas napaaga pa.  Pinilit kong gumising ng alas singko, isang oras pa bago sa itinakdang normal na oras ng pag-alarm ng cell phone dahil binigyan ako ng payo ng isang kaibigan.

“pre, dapat mas maaga ka pa sa alas syete kung magpapa-rehistro ka.”

At dahil masunurin naman ako sa mga mababait kong kaibigan, maaga akong umalis ng bahay.  Ginising ko lang ang anak ko upang sabihan na kailangan niyang maghandang mag-isa dahil may importante akong lalakarin.  Hindi ko na kailangan pang ipaliwananag na ang gagawin ko ay mahalaga para sa kapakanan ng inang bayan.  Marahil ay hindi pa niya lubusang naiintindihan kung bakit alas sais pa lang eh palabas na ako ng bahay.

Nakasakay agad ako ng traysikel, at pagdating sa kanto ay hindi rin nahirapan mag abang ng jeep.  Mabilis din ang byahe dahil siguro wala pang masyadong pasahero, yung iba nga pupungas pungas pa.  Meron pa ngang naka-idlip sa unahan ng jeep, dun sa may tabi ng drayber.  At pagdating ko sa munisipyo, mali ang sinabi ng kaibigan ko.  Dapat pala mas maaga pa sa alas sais ang punta ko.  Punyeta!  Ang haba na ng pila, tapos dalawa pa!  Pero imbes na panghinaan ng loob, pinilit aliwin ang sarili upang hindi ma-distract at magdalawang-isip na magparehistro. 

Nagtanong ako sa mga nakapila, ayos naman at medyo malinaw ang sistema ng pagrehistro dito sa amin.  May dalawang pila silang ipinairal.  Yung isang pila ay bibigyan ng number para sa query/validation at pagbibigay ng kaukulang form.  Pagka-validate ng pangalan mo at nabigyan ka na ng kaukulang form, pipila ka naman dun sa ikalawang pila at kukuha ng numero para sa tinatawag nilang biometrics, submission ng form, picture taking, fingerprint scanning, autograph signing este signature sample pala, at ang pag designate ng voting precint.  May sistema naman pala ang Comelec kahit papano.

Maaga akong dumating sa munisipyo pero sa maniwala kayo at sa hinde, pang singkuwenta ako sa pila.  Kung dun siguro ako natulog sa harap malamang una ako.  At yung numero ko eh para lang sa query yun.  Pero mabuti na rin yun, kasi nung nagbukas na ang opisina ng Comelec, 300 lang ang nakalaan na form para sa araw na yun dahil 300 ang tantya nilang mapo-prosesong dokumento sa buong araw. 

Pero minsan kahit anong ganda ng sistema ito ay pumapalpak din.  Sinabihan kami na makakakuha lang daw kami ng form ngayong araw at kinabukasan na lang daw kami kailangang bumalik upang ma proseso ang biometrics (BIOMATRIX ang nakasulat sa sign lols, pinagsamang BIOMAN at NEO ANDERSON).  Katwiran ng mga namamalakad eh dahil sa dami ng backlog sa biometrics, yung mga hindi na process ng mga nakaraang araw ay nakapila sa ngayong araw, hindi kakayanin ma process lahat kaya wala kaming magagawa kundi umuwi pagkakuha ng form at makipagsapalaran na lang ulit kinabukasan.  Umugong tuloy ang mga usap-usapang dahil meron inihatid na isang trak na mga botante upang iparehistro noong mga nakaraang araw kaya may backlog sa processing ng mga forms.  Ang masama pa dun hindi raw pinapila ang mga nasa trak at idineretso na raw ito sa loob.  Pagkakuha ng form mga bandang alas onse, umuwi na lang ako at doon sa bahay nag fill up ng form.

Kinabukasan, same drama pa rin.  Gumising ng alas singko, umalis ng alas sais, at dumating sa munisipyo na may mahaba nang pila.  Isa pa uling tumatanginting na punyeta dahil nung makuha ko ang number, pang 115 na ako!  Tinanghali na pala ako nung lagay na yun.  Ang kagandahan lang sa sistemang ipinairal nila, mahirap makasingit kasi limitado lang ang numero, hanggang 300 lang gaya ng nasabi ko kanina, at magkaiba ang numero ng kahapon ang ngayong araw.  Mahirap sumingit ang nagbabalak sumingit kasi kahit magpanggap kang may numero, yung form mo may numero rin tapos may pirma pa kaya dalawa ang numero mo para alam yung mga sumingit at may lehitimong numero sa pila.

Ang nagpapatagal lang sa pag proseso ay dahil 2 lang ang computer na gamit ng Comelec laban sa libo-libong nagpaparehistro.  Kung nung 1997 wala pang isang oras rehistrado na ako sa barangay hall, ngayon lahat ay sa comelec office lang magpapa rehistro.  Isipin mo na lang na lahat ng nakatira sa isang third class municipality eh ganyan na kahaba ang pila, papano na yung nasa siyudad? 

Natapos ang pag proseso ng dokumento ko mga banding alas dos.  Tiniis ang pagod, pasensya, at inip para lang sa karapatang bumoto.  Hindi na masama, lalo na sa mga katulad kong naghahangad ng pagbabago at pag-alis ng mga bulok na sistemang ipinaiiral ng mga kasalukuyang namumuno sa atin.  May mga nakilala rin bagong kaibigan, kasi kelangan kang makipagkilala para i-save yung pwesto mo sa pila kung sakali na magutom ka o mag CR ka.  Nakakalibang din naman yung mga kwentuhan at pagpapa cute sa mga nag-gagandahang dilag na malapit sa aming pila.

Nakakapagod man, panatag na ang loob ko na makakaboto na ako at magagamit ko ang kapangyarihan ng aking pagpili upang makamit ang inaasam kong pagbabago.  Hindi ko sinisisi ang sarili ko dahil late na ako nagparehistro.  Pwede ko naman sabihin na ito lang ang ibinigay sa akin na pagkakataon.  Sa totoo lang kaya kong magpa rehistro sa at least 4 na lugar dito sa Pilipinas.  Hinintay ko lang ang pinakahuling option ko.  At kahit mahaba ang pila, handa akong magtiis, kahit na isang beses lang tuwing 3 taon nagmamakaawa ang mga pulitiko sa mga ordinaryong taong katulad ko.  Kahit na pagkatapos ng eleksyon ay alipin tayo ng mga buwitreng namumuno sa atin sa loob ng 3 taon hanggang sa dumating ang susunod na eleksyon ay gagamitin ko ang kapangyarihang ipinagkaloob sa akin ng batas para sa kinabukasan ng bayan.  Naalala ko tuloy yung isang babae na sa sobrang inis sa nakitang pila ay umalis na lang bigla at nagsambit ng mga katagang… “Wala nang pag-asa ang Pilipinas!”  Ang masasabi ko lang sa kanya ay ganito: “Ineng, mali ka dyan… hanggang maraming nakapila dito, may pagasa pa ang bansa.  Ang sarili mo siguro wala nang pagasa pero kaming nagtitiis upang makaboto at mapalitan ang umiiral na sistemang bulok para sa kapakanan ng susunod na henerasyon, hindi mawawalan ng pagasa.” 

Where there is hope, there is pagasa.  Where there is pagasa, there is a typhoon!

Napa-praning na naman ako nyan… excited lang ako kasi makakaboto na ako sa darating na eleksyon!